SA KABILANG BANDA
Sinong sikat?
Ni Ire Jo V.C. Laurente
Wala namang problema sa pagkilala sa mga “kababayan” natin na naging sikat sa mga larangan na kanilang pinagtagumpayan. Mapapansin na me quotation ang salitang kababayan, maililinaw ko ito mamaya.
Kagaya nga nang nasabi ko na, maraming mga galing sa isla ng Mindoro na kinilala o naging sikat sa kanilang pananagumpay. Sa halos lahat yata ng larangan ay hindi mawawala ang isang galing Mindoro. Natatandaan ko pa noong araw na kami nang mga ka-Mangyan ay magkakasama sa Maynila, mapaanumang aktibidad na kasali kami ay hindi maaaring hindi mangunguna o dapat kasama sa mga nagpapakana ang taga-Mindoro. Nagkaroon ng delegasyon sa isang palihan ng pagsulat ng tula sa aming paaralan, dalawa kami na taga-Mindoro na kasama. Sumali sa paligsahan ang isang kaibigan na taga-Mindoro, wagi siya pagkatapos.
Sa rally na inilunsad laban sa diktadurya ni Marcos noong araw, ang delegasyon ng Mindoro ang isa sa “umagaw” sa isang istasyon ng telebisyon. Sa mga sumunod na pagkilos laban sa patuloy na kahirapan at kawalang katarungan, ang delegasyon ng Mindoro ay laging solido at matatag.
At nandiyan na rin nga ang mga binabanggit sa ating nasimulang talakayan. Si Noli Boy De Castro na mas lalong kilala sa tawag na “Kabayan”. Me nagbanggit sa isang basketbolista, sa isang opisyal ng NBI, kay Kim Chiu(?) at kay EJ Falcon na kawawagi lang sa isang paligsahang pang-showbiz. Maaari rin sigurong banggitin si Charo Santos-Concho, isang mataas na opisyal ng ABS-CBN, na taga-Calapan City.
At marami pa sila.
Pero nasaan sila?
Sa sirkulo ng mga nakakausap ko dito sa Silangang bahagi ng isla, ang pagtingala sa mga kinikilala ng bansa na galing dito sa ating isla ay kung paano ba ang mga ito ay makakatulong sa kanila sa pamamagitan ng paggamit ng mga sikat na ito ng kanilang impluwensya upang makalusot sa gusot, makahanap ng trabaho o sa simpleng salita ay makatulong.
Alisin na natin ang pagpapalusot sa mga napasok na gusot, pero ang matingkad na hangarin ng ating mga kababayan na “naiwan” dito sa isla ay ang tulong upang kahit papaano ay mapaunlad ang buhay.
Na magdadala sa punto na gaano nga ba kahalaga ang pagsikat ng isang tao? Sa alinmang larangan.
Marami tayong kilalang sikat, pero ang tanong, kinikilala ba nila ang kanilang bayan? “Kababayan” nga ba natin sila sa ngayon.
Ang mga sikat sa ibang bansa, sa mga mauunlad na bansa, ay wasto na kilalanin, dahil hindi naman na sila kailangan pang makialam sa kanilang mga kababayan dahil di ganoon kabigat ang pangangailangan ng mga ito. Ang mga sikat na tennis player, artista, basketbolista ng Europa o Amerika halimbawa ay okey lang na hangaan, kasi maliban sa magaling sila, di naman sila kailangan ng mga Europeo o Amerikano halimbawa para tumulong sa pagpapaunlad ng buhay ng mga ito.
Di katulad ng pangangailangan nating mga tagarito sa Mindoro.
Naalaala ko pa ang isang engkwentro namin ng isang malapit nang maging pari sa isang komunidad ng Mangyan sa Baco. Nagtungo siya doon para sa immersion ng kanilang kongregasyon sa mga katutubong Mangyan. Pero, kaagad niyang sinabi na isa rin siyang katutubo. Igorot siya. Sa maiksing panahon na kami ay nagkasama at nagkausap, nagbigay siya ng obserbasyon kung paano ang ginagawang interbensyon ng mga di-Mangyan sa mga kapatid nating katutubo. Ang una niyang napansin ay ang awitin. “Awit ng Mangyan” ang titulo nito, at kung sinuman marahil ang kompositor nito ay maaaring sumagot sa diskursong ito, pero nagkatugma ang aming naging pagtingin ni Prater na “defeatist” ang mensahe ng awitin. Na para bang kailangang tanggapin na ng Mangyan na ganoon sila, “Mangyan” at ang mga negatibong pakahulugan dito.
Taliwas ito sa igigiit naman ng lumalaki na ring seksyon ng mga kapatid nating Mangyan na naggigiit ng kanilang karapatan. Karapatan sa lupa at sariling pagpapasya.
At ang isa pang pinagkasunduan namin ni Prater, di ko lamang alam kung naging ganap na siyang pari, ay ang tendensya na ang mga pagtulong sa mga kapatid nating Mangyan ay nakatuon sa indibidwal at hindi sa buong Kamangyanan. Ang napagtatapos sa pag-aaral ay hindi na bumabalik sa kanilang komunidad, bagkus ay namumuhay na bilang isang di-Mangyan, o tawag nga sa Hanunuo ay damuong, o luktanon sa Iraya. Sa halip na makaahon bilang isang lahi, isang lahi na inaapi at minamaliit, lumilikha pa tayo ng mga bagong manlalait at mang-aapi.
Di katulad ng ginawa at ginagawa ng mga kagaya ni Prater na taga-Cordillera. Ang kwento ni Prater, ang halos lahat ng mga umalis sa kanilang lugar upang kumuha ng “kaalaman” sa Maynila at iba pang lugar, ay nagbalik at ginamit ang kanilang mga natutunan para sa pagpapabuti ng kanilang lahi.
Ganito ko tinitingnan ang pagtingala natin sa mga sikat nating “kababayan” na nabanggit na sa talakayan. Masyado nating inihihiwalay ang “kasikatan” ng ating mga kababayan sa kalagayan ng ating isla. Na para bang tinatanggap na natin na mabuti pa sila, kawawa naman tayo. Nawawala ang sangkap nang pangangailangan na kumilos, tumingin at mag-isip tayo bilang isang komunidad, bilang isang lahi.
Hindi ako nagkakalat ng kaisipang rehiyunalismo dito, ang akin lamang, sana bago tayo lamunin ng kasikatan ang mga “umangat” nating kababayan, maisip natin at nila na marami pa tayong dapat gawin at isaayos. Isipin na lamang na kung lahat ng mga tao sa rehiyon o probinsya o bayan ay ganito ang iisipin, ang kabutihan ng kanilang lahi, bago Makita pa natin ang tunay na konsepto para sa lahing Pilipino.
Sa tingin ko ay wala sa lugar ang paghanga sa mga sikat nating kababayan. Parang mas masarap na sila ay hangaan kung nagbalik sila sa ating isla at tumugon sa pangangailangan ng ating mga kababayan. Yun ay sa matalinhaga at literal na pakahulugan.

written by This e-mail address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it , May 05, 2009
like example all of the family join them overseas and no soul left behind the native land, so conclusion, memories being barred completely.
While for us with families back home, we continually connect our native home and would always be.
To my kababayan out there lets function with unifying gesture and none of comparable, lets enjoy what we have and be happy "Mabuhay".
Taga Pinamalayan po kami......Maralita pero Mayaman sa Gunita at Pusong Nagmamahal sa Bayan.
written by glenn, May 17, 2009
written by glaiza marie isler, May 22, 2009
i want to thank master sa pag gawa nya ng site na ito..kahit hndi sya tubong mindoro..thanks master..thanks sa mga katribu kong mangyan..
written by tolayt1, February 10, 2010







Ganun lang siguro talaga ang buhay....
Thanks for sharing