| Article Index |
|---|
| Mindoro ng aking Buhay |
| Page 2 |
| Page 3 |
| Page 4 |
| All Pages |
Hindi talaga ako tubong Mindoro, ipinanganak ako noong ika 26 ng Hulyo taong 1979 sa Nasugbu, Batangas. Walang tanging yaman kundi ang pagsasaka rin sa araw-araw ang tanging ikinabubuhay ng aming pamilya.
Noong matapos ko ang sekondarya ay napahinto ang aking pag-aaral ng kalahating taon dahil sa kakulangan ng panggastos. Nagkataon naman na pinalad ang pangalawa sa aming magkakapatid na matanggap sa pagtuturo sa San-Jose, Occidental Mindoro at natulungan nya ako para maipagpatuloy ko ang aking pag-aaral sa Kolehiyo.
May STI - Systems Technology Institute pa noon sa San Jose na pag-aari ng mga Torralba. Duon ako pinapasok ng Ate ko sa kursong Computer Programming (1 yr vocational course). Matapos ang unang semestre ng klase ay halos wala ng nagsipag-enroll sa batch namin para sa susunod na Term. Na disolved ang batch namin at mabuti na lang na pumuyag ang ate ko na mag-shift ako ng Associate Computer Science (2 yr voc. course). Sa loob 2 taong pag-aaral ko ay duon narin na-develop ang mga bagay na kailangan ko pala sa sarili ko. At ang Mindoro ang naging pundasyon ng bawat makabagong kaalamang natutunan ko sa aking buhay.
Active pa ako noon as choir member ng church namin (Seventh day Adventist) at minsan ay kung saan-saang lugar kami sa Occidental Mindoro na-iimbitahan para sa mga kantang seremonya sa aming simbahan. Duon nagsimulang mamangha ako sa ganda ng Mindoro. Bukid at probinsya rin naman ang sa amin sa Batangas pero iba ang nagin dating sa akin ng Mindoro. Isa pa maraming iba't-ibang aktibidad ang mga ginagawa ng simbahan namin para sa mga myembro nito. Napakasaya ng pakiramdam at parang bawat araw mo magaan lalo na at makikita mo ang malawak na bukirin ng Mindoro. Ang malinis na tubig sa dagat at ang mga malalaking puno sa mga bundok.
Nakatapos ako sa aking kurso at pinalad ding makasama sa Guaranteed Hired Program ng STI noon at isa ako sa mga inadopt nilang bagong Instructor ng Institusyon.
Nagbabago ang panahon at may mga bagong nagiging kakilala. Medyo nahiwalay ako sa simbahan namin hanggang sa tuluyan na akong hindi nagsisimba at nakikilahok sa mga aktibidad nito. Mula kasi nung nagtrabaho ako ay hindi ko na kasama ang ate ko dahil bumalik na sya ng Batangas noon. Pero taga Mindoro din ang naging kabiyak nya at hindi lumaon ay bumalik sya ng Mindoro. Sa pagkakataong ito ay mayroon narin akong sariling buhay kasama ng isang babae na naging parte at naging mahalaga sa buhay ko.
Mahal na mahal ko sya at nagkaroon ng bunga ang aming pagmamahalan. Hindi ko alam kung bakit ay biglang nagbago ang dating napakasaya at walang problema naming pagsasama. Mula nung magbuntis sya ay parang halos araw-araw na lang ay lagi kaming nag-aaway. Pareho pa lang kaming 21-anyos para sa isang napaka-seryosong bagay sa buhay pero wala na kaming magagawa kundi ang harapin ang mga bagay-bagay. Maraming pag-subok... unang-una na ang kakulangan sa pera. Hindi naman sapat ang naging kita ko noon sa pagtuturo sa Mindoro kaya nagpasyang makipag-sapalaran sa Maynila. Wala ring nangyari dahil hindi naman naging regular ang trabaho ko noon sa Maynila at bumalik ulit ako ng San Jose hanggang sa mailuwal ang aming anak. Ang buong akala ko ay magiging maayos na at babalik na sa dati ang aming pag-sasama dahil meron na kaming munting anghel. Mas lalo yatang naging malala ang mga pag-aaway namin. Nakatambay lang kasi ako noon at walang mapasukang maayos na trabaho sa Mindoro. Nakikitira kami sa bahay nila at yun ang bagay na parang hindi ko matanggap sa sarili ko noon na kung bakit ay hindi ko maitayo sa sarili kong mga paa ang aking mag-ina. Naghihimagsik ang kalooban ko pero wala naman akong magawa dahil sa kahirapan ng buhay.
Pero kung bakit ay hindi ko rin mahindian ang yaya ng barkada na makipag-inuman kahit na walang pera. At pag nalalasing ako ay sumisiksik sa isip ko ang mga sari-saring hinanakit sa buhay, pati na sa pamilya ko na kung bakit ay hindi man lang ako matulungan hanggang sa maitaguyod ko ng maayos ang aking pamilya. At sa mga ganitong pagkakataon na ngayon ay lubos ang mga pagsi-sisi ko dahil alam ko ang mga naging pagkakamali ko, Nasasaktan ko ang babaeng pinakamamahal ko dahil naghuhurimintado ang utak at kalooban ko sa halo-halong pag-iisip at emosyon. Patawarin mo sana ako dahil hindi ko rin lubos maisip kung bakit nangyari ang mga bagay na yun. Parang naging sarado ang isip ko sa mga hinanakit ko at hindi ko na makita pa na may magandang patutunguhan ang buhay namin. Naging iresponsable akong tao para sa pamilya ko na kahit gustuhin ko baguhin ang lahat ng iyon sa kasalukuyang panahon, iba na ang mga direksyon ng aming buhay.





